Inirekomenda ni Senator Imee Marcos na ilaan na lamang sa mga empleyado ng Commission on Elections (COMELEC) ang ₱12 billion na pondo na alokasyon para sa charter change (CHA-CHA) partikular sa pagsasagawa ng plebesito.
Kaugnay na rin ito sa ginawang pagsuspinde ng COMELEC sa lahat ng proceedings na may kinalaman sa People’s Initiative (PI).
Ayon kay Sen. Marcos, kung wala naman ng CHA-CHA ay dapat na ibalik sa National Treasury ang pondo pero dahil isang constitutional body ang COMELEC ay hindi naman basta nagsasauli ng budget ang komisyon kaya mainam na ibigay ito sa pangangailangan ng mga empleyado.
Pero dapat muna aniya ay matiyak na maibabasura na ang People’s Initiative at ang ₱12 billion na pondo ilaan sa mga tauhan tulad ng dagdag sa sahod at dagdagan ang mga gusali upang sa gayon hindi na mangungupahan o manghihiram ng mga tao ang COMELEC.
Mas mainam aniya kung ilalaan ang pondo sa talagang pangangailangan ng COMELEC at hindi ito ang CHA-CHA.