Alternative delivery modes sa mga paaralan, dapat palakasin pa matapos ang naranasang 3-day transport strike

Hiniling ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa education sector na palakasin ang kapasidad sa alternative delivery modes (ADMs) upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga mag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, bagamat naiwasan ng mga estudyante at mga guro ang epekto ng tatlong araw na transport strike dahil sa suspensyon ng mga klase sa mga paaralan, ipinakita naman ng pangyayaring ito ang kahinaan ng sektor sa pagharap sa ganitong krisis.

Iginiit ng senador na hindi dapat natitigil ang pagkatuto o pag-aaral ng mga estudyante sa tuwing may mga ganitong sitwasyon.


Isa aniyang paalala ito na kailangang mas palakasin pa ang kakayahan ng mga paaralan na gumamit ng alternative delivery modes at makakamit lamang ito sa pamamagitan ng digitalization para masiguro ang learning continuity sa mga mag-aaral at maging episyente at komportable ang trabaho ng mga guro.

Dagdag ni Gatchalian, mainam na habang tinitiyak ang kapakanan ng mga mag-aaral ay kailangang tiyakin din na patuloy silang natututo upang sa gayon ay hindi lumala ang krisis sa edukasyon.

Facebook Comments