Alternative Learning System, hiniling sa Kamara na mas palawakin pa

Umapela si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Department of Education (DepEd) na palawakin ang Alternative Learning System (ALS).

Tinukoy ng kongresista na maraming estudyante ang tumitigil ngayon sa pagaaral dulot ng epekto ng pandemya at ang ibang kabataan ay napipilitang magtrabaho para makaagapay sa pamilya.

Dahil dito, mas lalong hindi kinakaya ng mga magaaral na makasabay na sa conventional school lalo na’t ikinukunsidera pa ng DepEd ang mas marami pang face-to-face classes.


Giit ni Salceda na itaas pa ang access sa ALS dahil ito ang isa sa pinakaepektibong anti-poverty measure ng ahensya.

Napuna pa ng mambabatas na tumaas din ang demand para sa ALS mula nang magkapandemya dahil kahit hindi sa regular na silid-aralan at klase pumapasok ay magagawa pa rin ng isang estudyante na makapagtapos sa pag-aaral.

Sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, tinukoy din na mayroong ₱559 million na alokasyon para sa Flexible Learning Options (FLO) para sa implementasyon ng ALS Programs at para sa transportasyon at allowance para sa pagtuturo ng mga ALS teachers at ALS community implementors.

Facebook Comments