Pinapaimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang implementasyon ng Department of Education (DepEd) sa alternative work arrangements ng ahensya ngayong panahon ng pandemya.
Sa House Resolution 1109, pinuna ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na kulang sa safety protocols ang kasalukuyang guidelines ng ahensya gayong marami sa mga guro ay pinapapasok nang “physically” sa mga paaralan.
Giit ni Castro, dapat na masilip ang inilabas na revised guidelines para sa alternative work arrangements dahil hindi ito dumaan sa konsultasyon ng mga guro, school personnel, mga estudyante at mga magulang.
Sinabi ng mambabatas na hindi totoong walang face-to-face classes na mangyayari sa ilalim ng polisiya ng DepEd dahil gagamit ng modular kung saan ihahatid ng mga guro ang mga modules sa bawat bahay ng kaniyang mga estudyante at magkakaroon din ng update sa development ng mga mag-aaral.
Kung ganito ang sistema ay mas malaking panganib para sa mga guro at estudyante na mahawa ng COVID-19.
Bukod dito, may mga itinalaga rin na dagdag na trabaho sa mga guro na katumbas ng dagdag na oras ngunit wala namang safety protocols at pondo na ibinibigay para sa mga public school teachers.