ALU-TUCP, nangangamba sa posibleng epekto sa mga manggagawa ng COVID-19 Guidelines ng DOLE

Kinukwestyon ngayon ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang ipinalabas na Labor Advisory No. 17 ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nakasaad sa advisory na dahil sa COVID-19 pandemic, sinususpinde muna ng DOLE ang proseso ng labor litigations kabilang na ang pagpaparusa at pagpapatupad ng mga desisyon laban sa mga tiwaling employers.

Kasama na rito ang pagsasantabi muna ng mga routine inspection sa workplaces.


Hinto rin muna ang complaint investigation para sa mga Occupational Safety and Health Violations.

Suspendido rin ang conciliation and mediation proceedings sa mga reklamo ng mga manggagawa.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Allan Tanjusay, dahil sa advisory, posibleng maapektuhan ang tinatanggap na sahod at mga benepisyo ng mga manggagawa kapalit ng kondisyong papanatilihin ang kanilang mga trabaho.

Maari kasi aniyang gamitin ng mga amo ang advisory ng DOLE upang magpatupad ng pinaikling oras ng pagtatrabaho o ng job-sharing at ibang flexible work schemes.

Pwede rin aniya itong gamiting katwiran ng employers upang igiit na mapababa ang umiiral na regional minimum wage rates at benefits na nasa ilalim ng Collective Bargaining Agreement.

Dagdag ni Tanjusay na mistulang tinalikuran ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang hanay ng mga manggagawa na nanatiling lugmok dahil sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments