Sang-ayon ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa inilabas na survey ng International Trade Union Confederation (ITUC) na nagpapakita na pang-sampu ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may mapanganib na kondisyon para sa mga manggagawa.
Base sa 2020 Global Rights Index ng ITUC, kabilang sa mga bansa na nasa listahan ay ang Bangladesh, Brazil, Colombia, Egypt, Honduras, India, Kazakhstan, Turkey at Zimbabwe.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Allan Tanjusay, pinatitibayan nila ang report kung pagbabatayan ay ang mga polisiya ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa panahon ng community quarantine.
Aniya, mas nalagay sa hindi magandang kondisyon ang mga mangagawa sa bagong patakaran.
Tinukoy niya ang ipinatupad ng Labor Department hinggil sa pagbibigay karapatan sa mga employers na magpatupad ng wage reductions at ang pagsuspinde sa labor rights inspections.
Kabilang na din aniya rito ang mga anti-labor at anti-consumer na programa ng mga economic managers tulad ng dagdag na buwis.