Manila, Philippines – Hindi sang ayon ang ALU-TUCP sa panukala ng gobyerno na buwisan ang mga maaalat na pagkain gaya ng instant noodles, tuyo, dating at mga food flavoring.
Ayon kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, hindi pa napapanahon na patawan ng buwis ang ganitong uri ng mga pagkain dahil ito lamang ang kayang bilhin ng kakarampot na sahod ng mga mahihirap na manggagawa lalong lalo na ang mga informal workers na walang fixed na sahod at walang social protection na natatanggap mula sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, tumatanggap ng P537 a day hanggang P290 a day ang mga minimum wage earners sa bansa habang tinatayang nasa P150 hanggang P350 naman ang kita ng mga informal workers.
Alam ng mga manggagawang ito na hindi makakabuti sa kanilang kalusugan ang mga pagkaing ito ngunit dahil ito lang ang kakayahan ng kanilang sahod, wala silang choice kundi bumili ng mura, maalat at accessible na mga pagkain at food ingredients.
Sa halip magpataw ng tax, suhestyon ng ALU-TUCP na gumawa muna ang gobyerno ng mga alternatibong pagkain na mura, malusog at madaling mahanap sa merkado sa pamamagitan ng research and development nito.
Dapat din i-regulate ng gobyerno ang mga gumagawa at magtitinda at baguhin ang formula ng mga maaalat na pagkain at palitan ng mura at malusog na alternatibo.
Ayon kay Tanjusay, dapat din magsagawa ng malawakan at seryosong education at information campaign ang gobyerno kung anu-ano ang mura, malusog na mga alternatibong pagkain.
Higit sa lahat aniya dapat nang itaas ang sahod ng mga manggagawa sa P850 a day upang may choice ang mga manggagawa na bumili ng malulusog na pagkain at hindi na sila mapipilitan na pumili ng maaalat na pagkain.