Alyansa ng Pilipinas at Amerika, tuloy pa rin kahit wala nang VFA ayon kay Panelo

Tuloy pa rin ang alyansa ng Pilipinas at Amerika.

Ito ang pahayag ng Malacañang kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi naman apektado ng pagkansela ng pangulo sa VFA ang iba pang kasunduan tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Mutual Logistics and Service Agreement, Military Assistance Agreement at Mutual Defense Treaty.


Tiniyak din nito na hindi maaapektuhan ang kampanya ng pamahalaan kontra terorismo kahit wala na ang VFA dahil malakas pa rin naman ang pwersa ng militar.

Katunayan aniya, mas naging kapaki-pakinabang lang sa Amerika ang VFA lalo na sa mga sundalong kano.

Inihalimbawa rito ni Panelo ang naging kaso noon ni Corporal Daniel Smith na nadawit sa panggagahasa sa Subic, Zambales noong 2005 kung saan walang hurisdiksyon ang Pilipinas hangga’t hindi ito nagkaroon ng litigant importance.

Facebook Comments