Naniniwala si Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na inililihis ni Peter Joemel “Bikoy” Advincula ang mga totoong nasa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Ito ay matapos bawiin ni Bikoy ang kanyang mga naunang paratang kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamilya nito at sa ilang kaalyado na dawit sa malaking transaksyon ng droga sa bansa.
Giit ni Alejano, pawang kasinungalingan lamang ang mga panibagong alegasyon ni Bikoy na sina Senator Antonio Trillanes, Senator Risa Honteveros, Senator Leila De Lima, ang Otso Diretso at Liberal Party ang nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist” video.
Sinabi rin nito na “ridiculous” at walang katotohanan ang black propaganda na ibinibintang sa kanila ni Bikoy.
Hindi rin daw sila magsasayang ng oras para makibahagi sa paggawa ng mga kuwento para lamang pabagsakin ang Duterte administration upang iluklok si Vice President Leni Robredo.
Pinuna rin ng kongresista ang pagpahintulot ng PNP kay alyas Bikoy na magsalita sa media kahit hindi pa nasasala ang impormasyon na binitawan nito.