Cauayan City, Isabela- Nauwi sa pananaga mismo ng sariling anak sa kanyang ama at kapatid ang umano’y alitan sa lupa sa Barangay Basi East, Solana, Cagayan dakong alas-11:00 ng umaga kahapon, Abril 26,2021.
Kinilala ang suspek na si Joel Abogado, 48-anyos, at residente sa nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Solana Police Station, bago pa man mangyari ang insidente ay nagkaroon umano ng mainiting pagtatalo sa pagitan ng ama at suspek na humantong sa pananaksak at pananaga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktimang kinilalang si Pedro Abogado,70-anyos, isang magsasaka.
Tinangka umanong pigilan ng kapatid ng suspek na si Analiza Saquing, 40-anyos ang ginagawa ng suspek subalit maging ito hindi nakaligtas sa pananaga ng kanyang kapatid.
Ayon kay PLT. Divina Lagua, Deputy Chief of Police, nagtamo ng saksak sa ibabang bahagi ng tiyan ang biktimang si Pedro maging sa kanyang hita at kaliwang braso habang ang isa pang biktima ay nagtamo naman ng sugat ilan pang parte ng kanyang katawan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nagbenta umano ng lupa si Pedro na pagmamay-ari ng kanyang misis subalit hindi umano nito sinabi sa kanyang mga anak ang naging hakbang kung kaya’t nang malaman ng suspek ay sumugod sa bahay ng ama at pinagtataga ito.
Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang dalawang biktima subalit hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang biktimang si Pedro habang patuloy naman na nagpapagaling si Analiza sa kanyang tinamong mga sugat.
Nakumpiska sa suspek ang ‘itak’ na ginamit sa krimen.
Nahaharap sa kasong Parricide at Frustrated Murder ang suspek na nasa kustodiya ng mga otoridad.