Ambag ng mga Pilipino sa Amerika sa pagbuti ng ekonomiya ng bansa, ipinagpasalamat ni Pangulong Marcos Jr.

Abala na agad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa unang araw pa lang ng pagdating sa Amerika.

Unang hinarap ng pangulo ang Filipino community sa New Jersey Performing Arts Center ala-singko ng hapon sa New Jersey, ala-singko ng madaling araw kanina sa Pilipinas ilang oras lamang pagkarating nito sa Estados Unidos.

Sa talumpati ng pangulo sa harap ng mga Filipino, todo pasasalamat ito sa suportang ibinigay sa kaniya kaya siya kaharap ngayon ng mga ito.


Isa sa sadya niya sa pagtungo sa Amerika ay para kausapin ang iba’t ibang lider sa mundo para sabihin sa mga ito ang sitwasyon ngayon sa Pilipinas matapos ang mahigit dalawang taong pandemya.

Sinabi pa ng pangulo na pangunahin sa kaniyang misyon ay imbitahin ang kapwa niya mga lider at tingnan ang magandang kalagayan ngayon ng Pilipinas at hikayatin ang mga ito na maglagak ng puhunan sa bansa.

Dagdag ng pangulo, kapag marami ang nagbuhos ng investments sa Pilipinas, tiyak maraming trabaho ang lilikhain nito.

Mabibigyan aniya ng trabaho ang mas maraming Pilipino na magiging dahilan para hindi na mangibang bansa ang mga ito para lamang magtrabaho.

Pinasalamatan din ng pangulo ang malaking ambag ng mga Filipino sa pagganda ng lagay ng ekonomiya ng bansa dahil sa kanilang remittances.

Ayon sa pangulo, hindi lamang ang pagtulong sa kani-kanilang pamilyang narito sa Pilipinas ang pangunahing sadya ng remittances na ipinadadala ng mga ito kundi malaki ang naitulong sa pag usad ng ekonomiya ng bansa, sa katunayan aniya noong 2021 nasa 40% ng remittances na natanggap ng Pilipinas ay galing sa Amerika.

Nagpasalamat din ang pangulo sa mga Filipino healthcare worker sa Amerika na batid aniya niyang nagsakripisyo talaga sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.

Facebook Comments