Nais ipasiyasat sa Kamara ang pagmamaltrato ng ambassador ng Pilipinas sa Brazil sa kaniyang kasambahay na isa ring Pilipino.
Sa House Resolution 1243 na inihain ni DIWA Partylist Representative Michael Edgar Aglipay, nais nitong ipasilip sa House Committee on Labor and Employment ang pangmamaltrato ni Philippine Ambassador Marichu Mauro sa kaniyang Pinay helper at tiyaking maparusahan ito sakaling mapatunayan ang mga alegasyon ng pagmamalupit sa mga kasambahay.
Ipinauungkat din ng kongresista sa komite kung paano pa mapapalakas ang Republic Act 10361 o ang Batas Kasambahay upang mabigyan ng ibayong proteksyon ang mga domestic worker.
Samantala, hiniling naman ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson Representative Raymond Mendoza na matanggal na sa foreign service si Mauro kapag napatunayan itong guilty.
Itinutulak din ng kongresista na mapalakas ang mekanismo para sa pagsusumbong ng mga overseas workers at local workers sa mga pagmamaltrato sa kanila nang hindi nangangamba na baka balikan o gantihan sila ng mga amo.