Cauayan City – Isang aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng ambulansya ng LGU Gamu at isang Montero ang naitala sa Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela pasado alas dose ng tanghali kahapon, ika-5 ng Nobyembre.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Tumauini Police Station, parehong binabaybay ng dalawang behikulo ang hilagang direksyon kung saan nakabuntot ang ambulansya sa likuran ng Montero.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, dahil sa madulas na daan dulot ng pag-ulan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng ambulansya dahilan upang aksidente nitong nahagip ang kaliwang bahagi ng Montero.
Dumiretso pa ang ambulansya sa kabilang linya ng kalsada hanggang sa tuluyan pa itong mahulog gilid ng daan.
Maswerte namang wala ng iba pang nadamay sa nangyaring insidente at wala ring nasaktan sa mga lulan ng sangkot na mga sasakyan.
Sa pinakahuling ulat mula sa Tumauini PS, nagkaroon na ng pag-uusap ang dalawang panig kung saan nagkasundo ang mga ito na ipapaayos na lamang ng driver ng ambulansya ang tinamong pinsala ng Montero.