Mahigpit ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na hindi dapat pinupulitika ang paggamit ng ambulansya.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang dati raw kasing sistema kapag malakas ka makakukuha ka ng ambulansya pero giit ng Pangulo na buhay ang pinag-uusapan dito kaya hindi dapat pinupulitika ang healthcare system.
Tiniyak pa ng Pangulo na walang local government agency (LGU) ang mawawalan at lahat ay magkakaroon.
Hindi na aniya kailangang pumunta ng mga ito sa PCSO, kay Congressman o Governor para makiusap, dahil aantayin na lang ng mga ito ang darating para sa kanila.
Pinag-isipan ding mabuti ang pagpili ng modelong ito.
Mayroon daw kasing malalaki na mamahalin pero hindi naman makapasok sa maliliit na lugar kaya ang nangyayari sinasakay pa ng tricycle ang mga pasyente bago pa sa ambulansya.
Pakiusap naman ng Pangulo sa recipients, na ingatan at alagaan ang nga sasakyan para matagal na mapakinabangan.