Ambulant Vendor, Tatanggap ng Ayuda sa LGU Santiago City

Cauayan City, Isabela- Inihahanda na ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago ang pamimigay ng tulong pinansyal para sa mga ambulant vendor o ang mga nagtitinda ng balot, mani, maging ang mga magtataho at iba pa.

Batay sa facebook live post, sinabi ni City Mayor Joseph Tan na mamimigay ng P1,000-2,000 ang LGU para makatulong kahit papano sa mga ito na apektado ng pandemya.

Dagdag pa ng alkalde, nabiyayaan din ang mahigit sa 300 na maliliit na negosyante ng tulong mula sa Department of Trade and Industry habang 37 naman ang nabigyan ng ‘kabuhayan kits’ ng Lokal na Pamahalaan.


Ipinag-utos din ng opisyal sa City Cooperative Office na kunin ang kabuuang bilang ng mga maliliit na negosyante upang mapabilang sa programang ‘Pangkabuhayan at Pagbabago Online Marketing’.

Tiniyak naman ni Mayor Tan na mabibigyan ang lahat ng mga taong apektado ng krisis lalo pa’t walang kasiguraduhan kung hanggang kailan mararanasan ang pandemya.

Facebook Comments