AMBUSH | Anggulong pulitika, sinisilip sa pagpatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan

Manila, Philippines – Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Calabarzon Police Regional Office (PRO-4A) na siyang magsisiyasat sa kasong pagpatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan.

Nasa loob ng black Toyota Hilux Sports Utility Vehicle (SUV) na may conduction sticker YV4077 ang bise alkalde nang tambangan siya ng mga armadong suspek.

Ang kanyang body-guard na si Romulo Guillemer ay idineklarang dead on arrival naman sa ospital habang nagpapagamot naman ang isa nilang kasama na kinilalang si Romeo Edrinal.


Ayon kay PRO-4A Regional Director, Chief Superintendent Edward Carranza, pulitika ang isa sa tinitingnang motibo sa pagpatay.

Sinabi naman ni Cavite Police Provincial Director, Senior Superintendent William Segun, sisilipin na rin ang mga mensahe sa cellphone ni Lubigan at iniimbestigahan na rin ang sasakyan na ginamit ng mga suspek.

Nilinaw din ng PNP na wala sa narco-list si Lubigan at wala ring record na pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Facebook Comments