Amendments sa 2022 budget, tatapusin sa susunod na linggo

Sisikapin ng small committee para sa 2022 budget na matapos ang individual amendments sa pambansang pondo sa susunod na linggo.

Matatandaang binuo ang small committee na pinangungunahan ni Appropriations Chairman Eric Yap matapos na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang P5.024 trillion na 2022 General Appropriations Bill.

Ang small committee ang siyang tumanggap ng mga individual amendments ng mga kongresista sa budget.


Ayon kay Yap, target nilang matapos at makabuo na ng report sa individual amendments sa October 11.

Sa susunod na linggo aniya ay mag-ko-convene muli ang mga miyembro ng small committee pero mula ngayon at sa mga susunod na araw ay aaralin at tatrabahuin na nila ang mga isinumiteng amyenda ng mga kongresista sa bawat ahensya para sa 2022 budget.

Kahapon ay nag-convene na ang mga member ng small committee at kabilang ito sa mga napagkasunduan.

Kabilang sa mga bumubuo ng small committee para sa 2022 budget amendments ay sina Yap, Deputy Minority Leader Stella Quimbo, Appropriations Vice Chair Joey Salceda, Majority Leader Martin Romualdez at Independent Minority Rep. Edcel Lagman.

Facebook Comments