Tuluyan na ngang iba-ban sa bansa ang pagpapalabas ng American film na “Plane” matapos masita ni Senator Robin Padilla ang pagbahid sa imahe ng Pilipinas.
Ayon kay Padilla, nagpulong siya kasama ang MTRCB nitong Biyernes sa kanyang tanggapan at ngayong Sabado ay nakuha niya ang pangako ni MTRCB Chairwoman Lala Sotto na hindi na papayagang ipalabas sa bansa ang nasabing pelikula.
Sinabi ni Padilla na nakausap na ng MTRCB ang distributor ng pelikula at ang gusto niya pang gawin ay masulatan tungkol sa isyu ang movie producer.
Nagpasalamat ang senador kay Sotto sa pakikinig sa kanilang hiling na ipagbawal ang pagpapalabas ng ganitong uri ng pelikula sa bansa.
Sa nasabi kasing pelikula, nag-crash o bumagsak sa isla ng Jolo sa Sulu ang eroplanong minamaneho ng pilotong bida na si Gerard Butler at ipinakita rito na tila naduwag ang mga sundalo kaya wala na sa isla at ang namamayani sa lugar ay ang mga rebelde na kumidnap at nanakit din sa mga survivor ng plane crash.