Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Los Angeles, California na tumutulong na sa kanila ang American Red Cross sa paghahanap sa mga Pilipinong naapektuhan ng wildfires sa nasabing lugar.
Sa ngayon kasi, nasa iba’t ibang evacuation centers sa Los Angeles ang mga Pinoy na nawalan ng tahanan.
Nanawagan naman ang Konsulada ng Pilipinas sa mga apektadong Pinoy na makipag-ugnayan sa kanila para mahatiran ng tulong.
Nais din ng Philippine Consulate General na maproseso agad ang mga dokumento ng mga nasunugang Pinoy.
Partikular ang mga Pinoy na nawalan ng identification at travel documents dahil sa wildfires.
Kabilang sa serbisyong ipagkakaloob ng Konsulada ng Pilipinas ang pagbibigay ng bagong passport o ano mang travel document, gayundin ang consular notarization at assistance to nationals.
Nilinaw ng Philippine Consulate General na hindi na kailangan ng appointment para maka-avail ng kanilang consular services.