Naghayag ng intensyong tumulong sa oil spill clean-up sa Oriental Mindoro ang Estados Unidos at South Korea.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Office of Civil Defense information officer Diego Agustin Mariano na nasa Pilipinas pa rin ang desisyon kung papahintulutang tumulong sa clean-up ang dalawang nabanggit na bansa.
Ayon kay Mariano, sa ngayon nasa bansa na kasi ang ilang eksperto mula sa Japan upang tumulong sa oil spill clean-up.
Sa ngayon, tukoy na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang eksaktong lokasyon nang pinaglubugan ng MT Princess Empress kung saan base sa kanilang pagtaya mayroon pa ring tumatagas na langis mula dito.
Kasunod nito, doble kayod ang mga otoridad upang malinis ang oil spill na posibleng umabot ng taon bago tuluyang mawala sa karagatan.
Sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sumampa na sa mahigit 31,000 mga pamilya sa MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.
February 28, 2023 ng lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng Oriental Mindoro kung saan may karga itong 800,000 liters ng industrial oil.