Nilinaw ng Department of National Defense (DND) na walang kinalaman sa relasyon ng Pilipinas at Amerika ang ginawang kanselasyon ng kontrata nito sa Russia.
Matatandaang kinansela ang nakatakda sanang pagbili ng Pilipinas ng Mi-17 helicopters na nagkakahalaga P12.7 bilyon mula sa kumpaniyang Sovtechnoexport ng Russia.
Ayon kay Defense Spokesperson Dir. Arsenio Andolong, ang bibilin sanang mga helicopter sa Russia ay para sa Humanitarian Assistance and Disaster Response kaya’t wala aniyang problema rito.
Ibang usapan na ani Andolong kung ang bibilhin ay mga attack helicopter.
Paliwanag nito, hindi papasok sa umiiral na Countering America’s Adversaries Through Sanctions Act o CAATSA dahilan upang hindi dapat parusahan ang Pilipinas.
Una nang bumuo ang DND ng Contract Termination and Review Committee na siyang tututok sa pagproseso ng kanselasyon ng kontrata gayundin sa pagbawi ng P1.9 bilyong bilang downpayment.