Manila, Philippines – Inamin ni Customs Intelligence Officer Jimmy Guban na tumanggap siya ng komisyon mula sa mga consignee-for-hire sa Bureau of Customs (BOC).
Ang pag-amin na ito ni Guban ay ginawa niya sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs kaugnay sa isyu ng mga nakalusot na iligal sa droga sa BOC o iyong mga magnetic lifters na naglalaman umano ng P6.8 Billion na iligal na droga sa Cavite at ang magnetic lifters na natagpuan sa Manila International Container Port (MICP) na aabot sa P4.3 Billion.
Ayon kay Guban, nakakatanggap sila ng komisyon mula sa kanilang mga nakukuhang consignee na ginagamit umano nila sa paglalakad ng mga dokumento para sa mga shipment.
Partikular na tumanggap si Guban ng komisyon sa kumpanyang SMYD na aabot sa P10,000 hanggang P15,000.
Ang SMYD ang itinuturong consignee sa mga magnetic lifters na natagpuan sa Cavite at sa MICP.
Aminado din si Guban na matagal ng nangyayari ang ganitong iregular na sistema sa BOC.
Pero, nangatwiran si Guban na ang gawain nilang ito tulad ng pagtanggap ng komisyon ay bahagi lamang ng kanilang intelligence operation.
Hiningi naman ng mga kongresista ang listahan at pangalan ng mga consignee-for-hire ng BOC.
Kung hindi ilalabas ni Guban ang listahan ng mga consignee-for-hire hanggang sa Lunes ay nagbanta ang mga mambabatas na ipapa-contempt ito.
Dahil dito, mas lalo pang nakumbinsi si Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Ace Barbers na may mga sindikato pa rin ng droga sa loob mismo ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).