AMLC, nakatanggap ng 23.8 million na suspicious transactions

Aabot sa mahigit 23.8 million ang mga kahina-hinalang transaksyon ang na-i-report sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa taong 2024.

Sa budget deliberation, sinabi ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe, sponsor ng AMLC budget sa plenaryo, tinatayang nasa 23.882 million ang mga suspicious circumstance o kahina-hinalang transaction sa mga bangko ang napag-alaman ng AMLC mula 1st hanggang 3rd quarter ng taong ito.

Mula 2022 hanggang 2024 o sa loob ng tatlong taon ay mahigit sa 36.9 million naman ang natanggap na mga kaduda-dudang covered transaction kung saan kasama na rito ang mga kasong may kinalaman sa smuggling, swindling at paglabag sa electronic commerce act of 2000.


Ang covered transactions ay tumutukoy sa general threshold na aabot sa P500,000, ibig sabihin kapag umabot sa ganitong halaga ang transaksyon sa bangko ay dapat na i-report ito sa AMLC.

Sinabi pa ni Poe na kahit mas mababa sa P500,000 ang transaksyon basta’t kahina-hinala o kwestyunable ay maaaring ipagbigay-alam agad sa AMLC.

Facebook Comments