AMLC, nasita sa Senado tungkol sa kabiguang ma-detect agad ang mga iligal na transaksyon ng POGO sa Bamban, Tarlac

Sinita ng isang senador ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung bakit hindi natukoy ng ahensya ang mga kaduda-duda at iligal na transaksyon sa POGO sa Bamban, Tarlac.

Sa budget deliberation sa plenaryo kung saan dinedepensahan ni Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe ang AMLC, pinagpapaliwanag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ahensya kung bakit ang opisina pa ni Senator Grace Poe ang naka-detect sa mga iligal na aktibidad ng POGO ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.

Aniya pa, kung hindi pa pumutok sa mga pagdinig sa Senado ang tungkol sa mga iligal POGO operation ay posibleng hanggang ngayon ay hindi pa nakakasuhan ng paglabag sa batas kaugnay sa money laundering si Guo.


Pero ayon kay Poe, hindi nakita agad ng AMLC ang money laundering activities ni Guo dahil walang nag-report o nagsumbong sa kanila sa pamamagitan ng suspicious transaction report (STR).

Sinabi pa ni Poe na dapat na maimbestigahan din dito ang mga bank representative sa kabiguang isumbong ang mga kahina-hinalang transaksyon.

Hinala ng AMLC na posibleng may sabwatan sa pagitan ng mga bangko, local representative ng mga bangko, at mga covered individual na responsable sa pagre-report ng mga iligal na transaksyon.

Facebook Comments