Nabulabog ang mga residente matapos tumagas ang ammonia sa isang planta ng yelo sa Navotas City.
Sa ulat ni Police Corporal Dandy Sargenton kay Navotas Police Chief Col. Dexter Ollaging, naganap ang insidente bandang alas-9:00 ng gabi sa Magsimpan Ice Plant and Cold Storage Inc. na matatagpuan sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City.
Sa naging pahayag ni Roey Ganzo, ang in-charge maintenance ng naturang planta ng yelo, naglilinis siya ng natitirang liquid sludge nang mapansin niya ang malakas na amoy ng ammonia sa loob ng residential area ng nasabing ice plant.
Kaagad silang umalis sa loob ng naturang lugar saka humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Navotas Police.
Mabilis namang rumesponde sa naturang lugar ang Navotas Police Sub-Station 4, at Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni F/Insp. Gabriel Trinidad.
Ayon sa mga awtoridad, wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.