Pumalag ang Palasyo ng Malacanang sa inilabas na report ng amnesty international kung saan ay sinabi nito na naabot na ng mga patayan sa Pilipinas ang threshold ng crime against humanity.
Nabatid na sa report na inilabas ng human rights group ay sinabi nito na ang extrajudicial killing sa bansa ay sinasadya at may sistema o systematic at parang gobyerno ang naguutos na atakihin ang mga mahihirap na Pilipino na sinasabing sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi kailangan ng Pilipinas ang panghihimasok ng amnesty international.
Sinabi pa nito na dapat ay hayaan nalang ng AI na gawin ng mga Pilipino ang dapat para sa mga Pilipino.
Binigyang diin pa ni Panelo na nilalagyan lang ng bahid ng pulitika ng human rights group ang sinasabi nitong extrajudicial killing sa bansa, biased at mayroon nang hatol ang mga ito sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Panelo na magiging katanggap-tanggap pa sa kanila kung nagsampa nalang sana ng kaso laban sa mga pulis ang mga ito kaysa bumanat sa pamahalaan.