Inaasahan ang pagsusumite ng kampo ni Senator Antonio Trillanes IV ng mga karagdagang ebidensya na makapagpapatunay na nakapaghain ang senador ng amnesty application.
Ito ay may kaugnayan sa hirit ng Department of Justice (DOJ) na makapagplabas ng warrant of arrest at hold departure order laban sa senador matapos ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang iginawad dito.
Noong Biyernes, 4 na testigo ang iniharap ng kampo ng senador na makapagpapatunay na nagsumite nga ito ng amnesty form habang sa panig ng prosekusyon 5 ang kanilang iniharap na testigo.
Kapag naisumite ng kampo ni Trillanes ang iba pang mga ebidensya ngayong araw, binibigyan naman ni Judge Andres Soriano ang prosekusyon ng 24 na oras para makapaghain ng kumento.
Sinabi pa ng hukom kapag naipasa na ng magkabilang kampo deklarado na ang kaso bilang submitted for resolution.
Kung kaya at posible na bago matapos ang linggo ay malaman na kung pagbibigyan ni Judge Soriano ang hiling ng DOJ na warrant of arrest at HDO laban kay Senador Trillanes.
Si Trillanes ay nahaharap sa non bailable case na coup d’etat kaugnay ng Oakwood Mutiny, Marine Standoff at Manila Peninsula Siege.