Manila, Philippines – Naniniwala si dating Senate President Aquilino Nene Pimentel na maaaring mabigyan ng General Amnesty ang pamilya Marcos sa harap ng pagiging bukas ng mga ito na ibalik ang umanoy kanilang nakaw na yaman sa gobyerno.
Pero ayon kay Pimentel, sa aspetong civil lamang maaaring maabswelto ang pamilya Marcos pero sa criminal liability aniya ay hindi lulusot ang mga ito.
Sinabi din naman nito na depende parin naman kung ano ang mapagkakasunduan sa negosasyon at kung hahantong sa pagkakaloob ng general amnesty.
Pabor din naman ang dating Senador sa pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na makabuo muna ng batas bago gumulong ang anomang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at Marcos family dahil nangangahulugan aniya ito na ayaw ng Pangulo na siya lang ang magdesisyon sa nasabing usapin.