Umaapela si Deputy Speaker Mujiv Hataman sa pamahalaan na huwag limitahan ang amnesty program sa ilang grupo ng mga rebelde sa bansa.
Naniniwala ang Basilan Representative na ang pagbubukas ng pintuan sa mga rebelde na nais magbalik-loob sa lipunan ay susi tungo sa kapayapaan.
Pero, dapat aniyang magpatupad ang gobyerno ng general amnesty program para mahikayat ng husto ang lahat ng mga rebelde na magbalik-loob para makamit ang kapayapaan.
Ayon kay Hataman, marami sa mga myembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko na sa pamahalaan pero nakakulong pa rin dahil hindi kabilang ang mga grupo sa amnesty program.
Giit ng kongresista, karamihan naman sa mga umanib sa rebeldeng grupo ay hindi dahil sa ideolohiya kundi napilitan lang dahil sa sitwasyon ng buhay.
Umaasa naman si Hataman na isasama na sa Program Against Violent Extremism (PAVE) sa Basilan ang ASG at BIFF.
Nauna nang sinabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., na ang amnesty applications ay bukas para sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), CPP-NPA-NDF at iba pang grupo, maliban sa ASG at BIFF.