Manila, Philippines – Inaasahang ngayong araw ay ilalabas ng Supreme Court (SC) ang rekomendasyon sa hirit ni Senator Antonio Trillanes IV na Temporary Restraining Order (TRO) para hindi muna ito arestuhin kasunod ng pagpapalabas ng Malacañang ng Proclamation No. 572 na nagbo-void sa amnesty ng senador.
Ang petisyon ni Trillanes ay pang-41 sa mahigit 200 agenda ngayong araw sa en banc session ayon sa isang opisyal ng Korte Suprema.
Sa en banc session, present dito ang walong mahistrado at si Chief Justice Teresita Leonardo De Castro.
Habang naka-wellness leave si Senior Associate Justice Antonio Carpio at nasa The Hague, Netherlands naman sina Associate Justices Marvic Leonen, Noel Tijam at Alexander Gesmundo para dumalo sa ika-125 na Anibersaryo ng The Hague Conference on Private International Law.
Una na ring sinabi ng “unimpeachable source” dalawang option umano ang ikinukonsidera ngayon ng mga mahistrado.
Posible umanong bigyan ng due course ang petisyon at mag-isyu ng order para pasagutin ang mga respondents o agad nilang ibabasura ang hirit ng senador at ipasakamay na lamang sa Makati City Regional Trial Court (RTC) ang kaso.
Si Associate Justice Diosdado Peralta ang ponente o magsusulat ng rekomendasyon sa naturang kaso.