Among babae na nagmaltrato kay Elvie Vergara, pina-contempt sa Senado

Ipina-contempt ng Senate Committee on Justice France Ruiz, ang among babae ng kasambahay na si Elvie Vergara na minaltrato sa Mamburao, Occidental Mindoro.

Kasunod na rin ito ng pag-apruba sa mosyon ni Senator Jinggoy Estrada, na ipa-contempt na si Ruiz dahil sa patuloy nitong pagsisinungaling sa mga katanungan ng mga senador.

Sa gitna kasi ng imbestigasyon ay patuloy na nanindigan si Ginang Ruiz na ang mga sugat na tinamo ni Nanay Elvie ay mula umano sa pakikipag-away nito sa mga kasamahan sa trabaho na mariin namang itinatanggi ng mga dating kasama at direktang itinuturo ang babaeng amo sa pananakit sa kasambahay.


Sa unang mosyon ni Estrada, nais nitong ipakulong sa Pasay City Jail si Ginang Ruiz pero kalaunan ay binawi rin ito at sinabing sa Senate premises na lang ikulong ang babaeng amo.

Samantala, ibinahagi naman ni Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Francis Tolentino na isasailalim ngayong araw sa polygraph test o lie detector test ang magasawang Ruiz gayundin ang tatlong testigo na sumusuporta sa testimonya ni Nanay Elvie.

Sinabi ni Tolentino na ang lalabas na resulta ng polygraph test ay magiging bahagi ng lalamanin ng committee report.

Facebook Comments