Amusement center sa isang mall sa QC, punong-puno ng mga bata kasama ang kanilang guardian

Nababahala ang ilang eksperto matapos payagang makalabas ang mga bata kasunod ng pagluluwag ng quarantine restriction sa ilang bahagi ng bansa na nagresulta ng pagiging punuan ng malls.

Makikita sa video na kuha ng DZXL RMN Manila sa isang mall sa Quezon City na Ever Commonwealth, punuan ang loob ng amusement center na Tom’s World kung saan halos hindi na makita ang sahig sa dami ng tao.

Pagpasok pa lang ng palaruan, mayroon mang bantay pero napakaluwag nito kung saan marami ang nakakapasok kahit hindi pa nakasagot sa contact tracing form.


Dikit-dikit naman ang mga bata kasama ang guardian sa counter at redeem prize area.

Wala ring nakitang nag-iikot na sumisita para mapatupad ang social distancing habang maraming face shield at facemask ang nakakababa habang naglalaro ang mga bata.

Sa abiso ng Tom’s World Amusement Center, 50 % ang kapasidad ng kanilang lugar para makasunod sa safety health protocol at pwede nang maglaro ang mga bata basta mayroong kasama na fully vaccinated adults.

Babala ng eksperto, posibleng tumaas na naman ang kaso ng COVID-19 kung patuloy na magpapabaya ang publiko.

Facebook Comments