Amusement parks sa Japan, naglabas ng safety guidelines sa kanilang muling pagbubukas

(Tomohiro Ohsumi/Getty Images)

Kasabay ng patuloy na pagkalat ng COVID-19 pandemic ay ang patuloy na pag-iingat ng bawat isa sa bantang hatid nito.

Sa Japan, unti-unti nang binuksan ang ilang amusement parks ngunit mas pinalawig din  ang safety guidelines para sa sinumang bisitang magtutungo rito.

Ayon sa Singapore-based site na Mothership, isang grupo umano ng operators mula East Japan at West Japan Parks Association ang naglabas ng guidelines ukol sa tamang asal at dapat gawin habang nasa loob ng park upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa naturang guideline, kinakailangang magsuot ng face mask sa lahat ng oras ang lahat ng guests.

Nakapaloob din dito na kailangang mapanatili ang social distancing maging sa mga “superheroes” at mascots ng park.

Dapat din daw pigilan ang pagsigaw sa tuwing sasakay ng kahit anong ride sa loob ng park gaya ng roller coaster, extreme rides at maging sa haunted houses — kung saan ang mga “multo” ay kinakailangan ding sundin ang social distancing sa kanilang mga “biktima”.

Kinakailangan ding sumailalim ang mga bisita sa temperature checking pagpasok ng park.

Samantala, malaki raw ang maitutulong nito sa pag-iwas sa bantang dala ng virus.

Ayon naman sa Agence France-Presse, ang Disneyland sa Tokyo at ang Universal Studios Japan ay nananatili pa ring sarado.

Facebook Comments