Amyenda sa Customs Modernization and Tariff Law, inaasahang maaaprubahan na sa mga susunod na linggo

Sunod na pinal na pagtitibayin sa Kamara ang panukalang amyendahan ang Customs Modernization and Tariff Law.

Ito ay makaraang maaprubahan ng Kapulungan sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9322.

Layunin ng panukala na madagdagan pa ang kita ng gobyerno at maiwasan ang smuggling sa bansa.


Sa oras na maging ganap na batas, papayagan ang Bureau of Customs (BOC) na kumuha ng pribadong “auction house” na magsasagawa ng subasta sa mga nakukumpiskang kargamento.

Pinaniniwalaan na sa ganitong paraan ay maiiwasan ang sabwatan sa pagitan ng mga opisyal o kawani ng BOC at mga bidder.

Itinutulak din dito ang pre-shipment inspection sa mga kargamento, upang mas mapadali ang pagtukoy sa mga tama o kaya’y ilegal na ipinapasok na produkto sa bansa.

Ipapadeklara pa sa mga common carrier ang halaga ng kargamento, para sa transparency at gagawing simple ang pag-iisyu ng alert order at warrants of seizure upang agad na makapagsagawa ng operasyon laban sa mga puslit na produkto.

Facebook Comments