Naniniwala si AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin na malaking tulong para sa bansa at sa ekonomiya ngayong pandemya ang pagamyenda sa Republic Act 8762 o ang “Retail Trade Liberalization Act of 2000”.
Nakalusot na sa bicameral conference committee ang panukala para amyendahan ang ilang probisyon ng batas.
Inaasahang sa lalong madaling panahon ay magiging ganap na batas ang panukala.
Sa oras na maging batas ay ibababa na sa US$500,000 ang required minimum capital sa mga dayuhang retail investors mula sa kasalukuyang US$2.5 million minimum capitalization.
Hinihikayat din ng panukala ang mga dayuhang retailers na magkaroon ng stock inventory ng mga produktong gawa sa Pilipinas.
Ngayon aniyang nasa gitna ng pandemic ang bansa, bukod sa pagtugon sa kalusugan ay mayroon ding pangangailangan para luwagan ang restrictions sa pagnenegosyo sa bansa upang makahikayat ng mas marami pang mamumuhunan upang mapalakas muli ang ekonomiya.