Hinikayat ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Guillermo Eleazar si Ana Patricia Non, ang unang nagsagawa ng mga community pantry, na pormal na magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya para matulungan.
Ito ay makaraang ihayag ni Non na nakakatanggap siya ng mga death at rape threats.
Ayon kay Eleazar, handa ang PNP na imbestigahan ang lahat ng anggulo sa likod ng mga banta sa buhay ni Non at bigyan siya ng security detail kung kinakailangan.
Posible rin aniyang makatulong ang PNP Anti-Cybercrime Group para ma-trace ang mga nang-ha-harass kay Non.
Tiniyak ni Eleazar na ang anumang sumbong ng publiko ay agad nilang aaksyunan.
Matatandaang naging kontrobersyal si Non, makaraang lumabas ang mga ulat na may mga grupo na sinasamantala ang community pantry upang isulong ang kanilang sariling agenda.