Isang 25-anyos na lalaki ang nasawi matapos barilin ng dalawang beses ng kanyang sariling ama sa kanilang tahanan sa Brgy. San Guillermo, San Nicolas, Ilocos Norte.
Kinilala ang suspek bilang isang retiradong sundalo. Ayon sa pahayag ng kapatid ng biktima sa pulisya, nagkaroon ng mainitang sagutan ang mag-ama matapos umanong manggulo at manira ng gamit ng kanilang ina ang biktima.
Sinaway ng ama ang anak, na nauwi sa pagtatalo. Pahayag ng kapatid ng biktima, sinundan ng ama ang biktima sa kanyang kwarto at doon ito binaril ng dalawang beses.
Agad na isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot nang buhay dahil sa tindi ng tinamong mga sugat. Inamin ng suspek na lasing siya nang mangyari ang insidente at dulot ng matagal nang hindi pagkakaunawaan nila ng anak ang naging dahilan ng pamamaril.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at haharap sa kaukulang kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨
Facebook Comments