Anak ng Isang Alkalde sa Lalawigan ng Cagayan, Timbog sa Buy Bust!

*TUGUEGARAO CITY- *Hulog sa bitag ng batas ang isang anak ng isang alkalde sa Lalawigan ng Cagayan matapos kumagat sa inilatag na Drug Buy Bust Operation ng mga awtoridad sa Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Jonjie Sumer Pentecostes, 44 taong gulang at resident ng Brgy. Paradise, Gonzaga, Cagayan.

Ang nasabing suspek ay tinuturing High Value Target (HVT) matapos mapabilang sa Drug watch list ni Pangulong Duterte at ng PDEA.


Nakuha mula sa pag iingat ng suspek ang isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.7 grams na nagkakahalaga ng Php4,900.00 at dalawang (2) piraso ng isang libong piso na ginamit bilang buybust money.

Batay sa impormasyon na nakuha ng 98.5 iFM Cauayan mula sa awtoridad, una nang nakulong si Pentecostes dahil sa pag-iingat nito ng hindi lisensyadong baril noong nakaraang taon ngunit nakalaya matapos na makapagpiyansa.

Ang nasabing Buy bust operation ay bunga na rin ng pinagsanib pwersa ng mga kapulisan mula sa Cagayan Police Provincial Office (CPPO), PR02 at ng PDEA.

Nahaharap ngayon si Pentecostes sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments