Anak ng suspek sa Jolo Cathedral suicide bombing, posibleng nasa likod din ng twin bombing kahapon

Posibleng nasa likod ng magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon ang anak ng dalawang Indonesian suicide bombers na umatake rin sa simbahan sa lugar noong nakaraang taon.

Ayon kay Rommel Banlaoi, Director ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research, maaring bahagi ng “family terrorism” ang nangyari at posibleng ang babaeng suicide bomber ay ang anak ng Indonesian na responsible rin sa Jolo Cathedral suicide bombing.

Maari aniyang sinamantala ng mga terorista ang pagka-abala ng mga otoridad sa ibang gawain gaya ng pagtugon ng bansa sa problema sa COVID-19.


Naniniwala rin si Banlaoi na posibleng online o modular na rin ang pagsasanay ng mga terorista sa kanilang bombers.

Noon pa man aniya ay gumagamit na ng social media ang mga terorista sa pagre-recruit ng mga bagong miyembro.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Banlaio ang mga magulang na maging maingat at maging mapagbantay sa kanilang mga anak na gumagamit ng social media.

Samantala, sinabi ng isang Jordanian journalist na si Baker Atyani na ang tinuturong suspek sa Jolo twin blasts na si Mundi Sawadjaan na miyembro ng Abu Sayyaf Group ang isa mga dumukot sa kaniya noong 2012.

Natandaan niya ito dahil sa makailang ulit na pananakot sa kaniya sa pamamamagitan ng pagpapaputok ng baril malapit sa kaniyang ulo at binti.

Facebook Comments