Cauayan City, Isabela- “Personal na kagustuhan ko ang maglingkod, walang umudyok sakin, nakalinya sa Cagayan ang aking mga adhikain at handa akong makinig at gawin ang tama.”
Ito ang inihayag ni Katrina Ponce Enrile, ang anak ni dating Senate President at long-time Senator Juan Ponce Enrile na itinuturing din nitong magaling na Guro, sa ginanap na press briefing kahapon sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Ayon sa kanya, bagito man sa pulitika ngunit hindi matatawaran ang kanyang karanasan sa panunungkulan sa kanyang mga kababayan at handa umano siyang making sa hinaing ng bawat Cagayano.
Marami din umano siyang nakuhang diskarte sa pamamahala mula sa mga kaibigang pulitiko, sa kanyang kapatid na si Jack Enrile at hipag na si Sally Enrile sa kanilang karanasan sa pagsisilbi sa bayan.
Binigyang diin din niya na matagal na itong nagbabahagi ng tulong sa mga Cagayano ngunit hindi lamang ito pinagkakalandakan kaya mali na sabihing ngayon lamang ito nagpaparamdam sa Cagayan.
Kaugnay nito, hinimok niya ang mga mamamayan sa unang distrito ng Cagayan na wag magpasindak sa pananakot ng mga posibleng kalaban niya sa halalan dahil malaya aniya na pumili ang bawat Cagayano ng taong kanilang bibigyan ng pagkakataong manungkulan.
Pagtutuunan din umano niya ang pagtukoy sa mga hinaing ng bawat mamamayan upang bigyang katuparan ang kanilang naisin.
Samantala, nagpahiwatig naman si Third District Board Member Perla Tumaliuan na tatakbo siya sa pagkabise-gobernador ng Cagayan upang mas mapalawak pa ang kanyang paglilingkod sa mga Cagayano.