Nakamit ng anak ni Senador Christopher “Bong” Go ang ikatlong puwesto sa Certified Public Accountant (CPA) Licensure Examinations ngayong taon.
Batay sa resultang inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC), Martes ng umaga, nakakuha si Christian Lawrence “Chrence” Go ng markang 89.50%
Nagtapos si Chrence bilang Summa Cum Laude sa De La Salle University-Manila.
Hindi naman maitago ng mambabatas ang kasiyahan sa karangalang natamo ng supling.
“Matapos ang ilang taong pag-aaral, nagbunga din ang sakripisyo. Bilang isang ama, wala akong ibang hinahangad kundi makitang matagumpay ang aking mga anak. Sana magiging mas matagumpay pa siya sa kanyang buhay,” pahayag ng opisyal.
Mula sa 14,492 na sumailalim sa pagsusulit, 2,075 ang pumasa o 14.32% passing rate, ayon sa PRC.
Isinagawa ang eksaminasyon sa Maynila,Bacolod, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Tacloban at Tuguegarao.
Nanguna sa board exam ang University of Santo Tomas (UST) graduate na si Justine Louise Bautista Santiago.
Samantala, nananatili pa din sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang titulong top performing school na may gradong 84.21%