Anakalusugan Rep. Mike Defensor, ilalaban hanggang sa korte ang Ivermectin

Handa si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na ilaban hanggang sa korte ang nakatakda nilang pamamahagi ng Ivermectin.

Ang pahayag ay kasunod ng ilulunsad bukas na “Ivermectin Pan-Three” sa Quezon City kung saan kasama sa mga nangunguna rito sina Defensor at SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa kongresista, sinabi niya na nakahanda siyang harapin at ipaglaban hanggang sa korte kung may mangangahas na magpahinto ng kanilang insiyatibo.


Iginiit pa ni Defensor na sila ay “legally compliant” dahil mahigpit nilang sinunod ang proseso at rules ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) kaugnay sa Ivermectin.

Ipinunto pa ng mambabatas na sa nakalipas na dalawang congressional hearings ay nilinaw mismo ni FDA Director General Eric Domingo na kung ito ay nireseta ng doktor at ibibigay sa licensed compounding laboratory ay pinapayagan itong mag-produce ng Ivermectin.

Sinabi pa ni Defensor na galing sa sarili nilang bulsa ang gastos at may katuwang silang mga organisasyon at mga doktor na magrereseta ng Ivermectin.

Facebook Comments