Kinastigo ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera ang mga grupong Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), Anakbayan ng University of the Philippines (UP) – Diliman at ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) dahil sa paggamit sa isyu ng pagkamatay ng isang estudyante ng Capiz State University upang siraan ang flexible learning’ scheme habang may banta ng COVID-19.
Ayon kay De Vera, pinalilitaw ng naturang mga militanteng grupo na naaksidente si Cristelyn May Villance dahil lumabas umano ito ng bahay para maghanap ng internet connection.
Inihahabol umano nito ang mga requirement niya sa ilan niyang asignatura.
Aniya, nilinaw ni CapSU President Editha Alfon na natapos na ng estudyante ang lahat ng online submission bago pa man nangyari ang aksidente.
Nilinaw ni De Vera na para sa mga estudyante na walang access sa internet, binibigyan sila ng mga guro ng option na mag-comply sa requirement alinsunod sa kanilang makakayang gawin.
Apela ni De Vera sa NUSP, Anakbayan at SPARK, ihinto na ang pagpapakalat ng fake news dahil hindi ito makakatulong sa kasalukuyang sitwasyon na mayroong pandemya.
Nagparating na ng pakikiramay ang CHED sa pamilya ni Villance at humingi ng paumanhin sa idinulot ng mga lumabas na maling impormasyon.