Manila, Philippines – Itinuturing na “red scare” ng militanteng grupong Anakbayan ang pagsasampa ng kasong kidnapping ng PNP-CIDG laban sa mga miyembro nito.
Ito ay matapos maiulat na nawawala ang isang estudyante.
Giit ng grupo, walang nawawalang menor de edad.
Ang mga sinasabing nawawala ay may mga edad 18-anyos pataas.
Ang pagsali sa kanilang grupo ay boluntaryo at malaya ang sinumang sumali at umalis.
Ang Anakbayan ay isang lehitimong youth organization na nagsasagawa ng demonstrasyon kontra sa kawalan ng hustisya, paniniil, karahasan, pang-aabuso at pang-aapi sa mga Pilipino.
Hindi na rin bago ang pag-atake sa kanila na itinuturing nilang “red-tagging,” at black propaganda.
Binabanatan sila dahil nababahala sila sa kanilang potensyal na hikayatin ang mga kabataan na isulong ang genuine social change.
Ginagawa rin ito para sila ay patahimikin.
Samantala, itinanggi ng isang senior high school student na unang naiulat ng kanyang ina na nawawala at na-kidnap siya ng Anakbayan organization.
Sa Facebook post, sinabi ni Alicia Lucena, nag-desisyon siyang tumakas sa kanilang bahay dahil isinailalim siya sa house arrest sa loob ng isang buwan at nais niyang mag-lingkod sa bayan.
Iginiit din ni Lucena na boluntaryo siyang sumali sa organisasyon at hindi siya na-“brainwash.”
Handa naman si Lucena na makipag-ayos sa kanyang mga magulang.
Matatandaang humarap sa pagdinig ng Senado ang kanyang ina na si Relissa at sinabing nawawala siya at dinukot ng militanteng grupo.