*Cauayan City, Isabela- *Handang-handa na ang ANAKPAWIS-Cagayan Valley upang magprotesta sa gaganaping SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Isabelo Adviento, ang Coordinator ng ANAKPAWIS sa Cagayan Valley na kahit hindi maganda ang panahon at binabaha ang ilang parte sa Metro Manila ay hindi pa rin umano nila ito alintana, maihayag lamang ang kanilang mga hinaing sa Pangulo.
Ayon kay ginoong Adviento, maraming reklamo at puna ang kanilang idadaing sa State Of the Nation Address (SONA) ng Pangulo gaya ng patakaran at mga programa nito na nagpapahirap sa mga Pilipino at ang lumalalang krimen at kahirapan sa bansa.
Kabilang din umano sa kanilang ipo-protesta ay ang pagbansag ng Pangulo bilang terorista sa grupong ANAKPAWIS maging sa mga iba pang grupo na nagsasagawa ng rally.
Inihayag rin ni ginoong Adviento na kahit maraming paninira ang kanilang naririnig at natatanggap ay nagpapasalamat pa rin umano ang kanilang grupo dahil mayroon pa ring mga Pinoy ang nagbibigay tiwala at suporta sa kanilang grupo upang maipaglaban ang mga karapatan ng mga Pinoy lalo na sa mga magsasaka.