Ang MAGNANAKAW Ay MAPAGSAMANTALA – Safety Reminder ng NCPO Ngayong SUMMER

Sa harap ng paghahanda ng Naga City Police Office para sa protection ng
publiko ngayong panahon ng bakasyon o summer, masigasig pa ring sa
pagpapaalala ang NCPO sa mga kasapi ng pamilya na tiyaking ligtas ang
kalagayan ng mga kagamitan sa mga bahay lalo na kung planong magbakasyon ng
buong pamilya sa ibang lugar.

Ayon kay NCPO Spokesperson SPO2 Toby Bongon, ang mga ganitong panahon ng
bakasyunan ang mainit na panahon din sa mga nagbabalak magsamantala at
magnakaw sa mga kabahayan na tiyak nilang walang nakabantay at nasa
bakasyon ang mga myembro ng buong pamilya.

Idinagdag pa ni Bongon na delikado rin ang palagiang pagpo-post sa facebook
ng mga kasayahan ng buong pamilya na nasa bakasyon dahil ito ay posibleng
magbigay impormasyon sa mga magnanakaw na isagawa ang kanilang masasamang
balakin dahil naka-post sa facebook na nasa bakasyon silang lahat at walang
bantay ang naiwanang bahay.


Kaya pinaaalalahanan ni Bongon ang publiko na sakaling may planong
magbabakasyon ang buong pamilya, tiyaking naka-padlock lahat ng pintuan at
maging ang mga bintana para ligtas ang mga kagamitan habang nagpapakasaya
sa lugar-bakasyunan.

Binigyang diin din ni Bongon na malaking bagay din ang makisuyo sa mga
kapitbahay na magmasid at bantayan ang kanilang bahay habang nasa bakasyon
ang buong pamilya.

Malaking bagay din di umano ang gampanin ng mga Barangay Tanod para
maprotektahan ang mga kabahayan ng mga residente, kaya nananawagan din si
Bongon sa mga ito na maging vigilante sa kanilang misyon na maprotektahan
ang publiko at maiwasan ang nakawan sa Naga City lalo na ngayong panahon ng
summer.

Sa mga private subdivisions, inihayag din ni Bongon na kinakailangang mas
maging alerto ang mga security guards at regular na i-monitor ang situasyon
sa loob ng kanilang nasasakupang subdivision.

Kaya, dagdag pa ni Bongon na mahalagang ang lahat ay nagmamasid at maging
maingat para maiwasang mabiktina ng pagnanakaw o panlilimas ng mga
kagamitan ng mga mapagsamantalang magnanakaw ngayong summer.

Kasama mo sa balita RadyoMaN Grace Inocentes, Tatak RMN!

Photo: downloaded from MyWay – representing whole family on vacation

Facebook Comments