Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos, posibleng masibak bilang kongresista

 

Malaki ang posibilidad na masibak bilang kongresista ng 18th Congress si Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred delos Santos matapos maakusahan ng pananapak ng isang service crew sa isang kainan sa Legaspi City.

 

Ayon kay Ang Probinsyano Partylist Spokesman Atty. Joco Sabio, sobrang dismayado sila sa kinasangkutang isyu ng kanilang nominee at hindi nila kukunsintihin ang naging aksyon na ito ni Delos Santos.

 

Dahil dito ay magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang partido saka magpapataw ng kaukulang aksyon laban sa kongresista.


 

Sakaling mapatunayan ang hindi magandang inasal at pananakit ng mambabatas ay hindi mangingimi ang partido na suspendihin o hindi kaya ay tuluyang tanggalin sa Ang Probinsyano Partylist si Delos Santos.

 

Bibigyan din muna ng pagkakataon si Delos Santos na makapagpaliwanag sa nangyaring insidente upang maging patas ang anumang hakbang na gagawin ng Ang Probinsyano.

 

Paglilinaw pa ng Ang Probinsyano na ang naging aksyon ni Delos Santos ay kanyang sariling kagagawan at hindi nagrereflect sa buong partido kahit pa nominee nila ito.

Facebook Comments