Ang tunay na pagkakaisa ay nagmumula sa pag-asa para sa magandang bukas – VP Robredo

Hindi na mapipigilan pa ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa pagtindig para kay Presidential candidate Vice President Leni Robredo.

Kahit saan mang sulok ng bansa ay marami ang nagpapakita ng suporta sa hangarin ni Robredo na “Gobyernong Tapat, Angat Buhay ang Lahat.”

Naniniwala si Robredo na pag-asa ang nagbubuklod sa mga mamamayan para sa tunay na pagkakaisa.


Pag-asang magkaroon ng pagbabago, pag-ahon mula sa kahirapan at magandang kinabukasan.

“Pag-asa ang ugat ng tunay na pagkakaisa. Pagkakaisang matatakbuhan mo kapag nagipit ka, sasagot kapag tumawag ka, titindig sa tabi mo kapag tumindig ka. Pagkakaisa, hindi lang ng politiko sa politiko para sa pansariling interes, kundi ng Pilipino sa kapwa Pilipinong lumalaban dahil iisa lang ang ipinapakipaglaban,” sabi ni Robredo.

Nagkakaisang ipaglalaban ang pagkakaroon ng isang tapat na gobyerno na maglilingkod para sa mamamayan.

Isang gobyerno na tutugon sa tunay na pangangailangan ng sambayanan at sisiguraduhing sabay-sabay na aangat ang lahat.

Uunahin ni Robredo ang pagpapatayo ng mga digital infrastructure sa Metro Manila.

Marami sa mga mamamayan ng National Capital Region (NCR) ang nagtatrabaho sa mga Information Technology- Business Process Outsourcing (IT-BPO) companies kaya’t malaking pakinabang ang pagpapalakas ng internet services.

Mapapalakas din nito ang tech industry ng bansa at magdadala ng karagdagang trabaho para sa mga tao.

Kapag nahalal na Pangulo sa darating na eleksyon, prayoridad ni Robredo ang pagbibigay ng oportunidad para makapagtrabaho ang lahat, maaasahang transportasyon para sa nakakarami, accessible na pangangalagang pangkalusugan at mga imprastraktura at pabahay para sa pamilyang Pilipino.

Ngunit higit sa lahat, ipinangako ni Robredo na sa kanyang administrasyon ay ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan at hindi lang sa mga pamilyang pampulitika.

“Higit sa lahat: Isang klase ng politikang hindi nadadaan sa palakasan. Politikang walang pami-pamilya– dahil lahat dapat kayo malakas; lahat itinuturing na bahagi ng pambansang pamilya; lahat kasali, lahat mahalaga,” sinabi ni Robredo.

Facebook Comments