Inilunsad kahapon ni dating Vice President Leni Robredo ang Angat Buhay na isang Non-Government Organization kung saan siya ang tatayong chairperson.
Dito ay katuwang niya ang mga dating partners sa Office of the Vice President at ilang dating staff.
Sa ilalim ng Angat Buhay NGO ay ipagpapatuloy ni Atty. Robredo ang mga anti-poverty programs na nasimulan na noon.
Isa sa mga unang proyekto ng Angat Buhay ay ang pagtatayo ng dormitories para sa mga mahihirap na estudyante sa pakikipagtulungan ng Rotary Club of Makati, South Luzon State University at Quezon Provincial Government.
Kaugnay nito, iginiit ni Robredo na rehistrado ang organisasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) sa ilalim ng pangalan na Angat Pilipinas Incorporated.
Samantala, nakatakdang lumipat sa itatayong Museo ng Pag-asa ng Angat Buhay NGO na siyang magiging headquarters din nito.
Sa ngayon, patuloy ang pangangalap ng pondo ng NGO kung saan batay sa update ay nasa mahigit isang milyong piso na ang natanggap nitong donasyon.