Nagpakawala na rin ng tubig ang Angat Dam.
Batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydro-Meteorological Division, nagsimulang magpalabas ng sobrang tubig ang Angat Dam kaninang alas-9:00 ng umaga.
Isang gate na may kalahating metro ang binuksan.
Bandang alas-12:00 ay tatlong gate na ang binuksan kung saan dalawang metro ang opening.
Ang pinapakawalang tubig ay nasa 521 cubic meter per second.
Ang lebel ngayon ng Angat Dam ay nasa 216.13 meters lampas na sa 212 meters normal high water level nito.
Dahil dito, posibleng makaapekto na ito sa ibang bayan sa Bulacan gaya ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulinan, Plaridel at Hagonoy.
Mino-monitor na ngayon ang mga ilog na dinadaluyan ng pinakawalang tubig.
Posibleng magbawas pa ng tubig ang Angat Dam.
Nasa 838 meters ang inflow o pumapasok na tubig sa mga watershed ng Angat na napupunta sa mismong dam nito.